3-anyos, lunod sa pool sa Rizal
MANILA, Philippines — Palutang-lutang at wala nang buhay nang matagpuan sa swimming pool ang isang 3-taong gulang na bata sa Rodriguez, Rizal, iniulat nitong Martes.
Sinubukan pang maisalba subalit idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan ang biktimang si “Baby Angel”, residente ng Rodriguez, Rizal.
Sa imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station, ang biktima ay kasama ng kaniyang ina nang bumisita sa bahay ng kamag-anak, sa nasabing bayan.
Nabatid na dakong alas-3:15 ng hapon ng Hunyo 27, 2025 nang maganap ang insidente sa isang subdibisyon sa Barangay Manggahan, Rodriguez ngunit naiulat lamang ang insidente sa pulisya nitong Hulyo 1.
Lumilitaw na bago ang insidente, isinama ng kanyang ina ang biktima sa bahay ng kanilang kapitbahay, kung saan tumutuloy rin ang isa nilang kaanak.
Nang papauwi na, ay saka lamang napansin umano ng ina na wala sa tabi niya ang anak.
Sa paghahanap, nakitang palutang-lutang na sa swimming pool ang paslit, na itinakbo agad sa pagamutan pero patay na.
Posibleng nahulog ang bata sa swimming pool nang hindi napansin ng magulang.
- Latest




















