Mpox pasok na rin sa Aurora, 1 kaso naitala

MANILA, Philippines — Nakapagtala ang lalawigan ng Aurora ng unang kaso ng Mpox (Monkeypox) matapos na isang residente rito ang magpositibo sa nasabing nakakahawang sakit.
Ito ang kinumpirma kahapon ng Aurora Provincial Health Office (PHO) bagaman at hindi na isiniwalat kung saang bahagi ng probinsya ang natukoy na pasyente na kasalukuyan nang minomonitor ng mga health officials.
Kasabay nito, muli namang nagpaalala ang mga health officials sa lalawigan sa mamamayan ng lalawigan na magdoble ingat upang makaiwas sa nasabing karamdaman.
Patuloy na inoobserbahan ang iba pang pinaghihinalaang kaso ng Mpox at nagsasagawa na rin ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng nagpositibong pasyente.
Inihayag pa ng Aurora PHO Aurora na nananatiling mataas ang posibilidad ng hawahan sa Mpox lalo na at tuluy-tuloy ang pagbibiyahe ng
mga tao sa iba’t ibang lugar.
Hinihikayat naman ang sinumang may sintomas na magsuot ng face mask, umiwas sa pakikisalamuha at agad na magpasuri sa pinakamalapit na health center para mabigyan ng kaukulang medikasyon.
Ang Mpox ay isang nakahahawang viral disease na naipapasa sa pamamagitan ng matagal na skin-to-skin contact, paglanghap ng respiratory droplets (tulad ng laway o sipon), at pagdikit sa mga kontaminadong bagay o tela. Kabilang sa mga sintomas ng Mpox ay ang mga pantal at paltos sa balat, lagnat, pananakit ng kalamnan, pananakit ng ulo, at pamamaga ng mga lymph node o kulani.
Patuloy ang paalala ng mga health officials na sumunod sa kaukulang health protocols upang makaiwas sa Mpox.
- Latest


























