Salon niransak, pera at kagamitan tangay!

CAVITE, Philippines — Niransak at pinagnakawan ng nag-iisang suspek na dumaan pagapang sa kisame ang isang beauty salon, kamakalawa sa Brgy Tejeros Convention, Gen. Trias City, Cavite.
Sa ulat ng pulisya at batay na din sa CCTV footage ng Veauty Lavish Salon, alas-2:35 ng madaling araw nang pasukin ng ‘di nakilalang suspek ang salon.
Dumaan ang suspek sa kisame at gumapang ito hanggang makapasok sa loob. Winasak nito ang vault ng salon gamit ang martilyo, screwdriver at tin snip cutter.
Natangay ng suspek ang mahigit kumulang sa P50,000 na halaga ng pera at kagamitan ng salon tulad ng 3-hair blowers, 4-hair irons, 3-hair clippers.
Batay sa kuha ng CCTV ng salon, ang suspek na may taas na 5’7” ay nakasuot ng itim na jacket, face mask, puting short pants at puting sapatos.
- Latest


















