Magdyowa sangkot sa droga, itinumba!
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang motorcycle rider at angkas na babae na hinihinalang kapwa sangkot sa droga matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang kapwa rider sa bayan ng Marilao, dito sa lalawigan kamakalawa.
Sa report ng Marilao police, naganap ang insidente nitong Abril 8 ng gabi sa Northville 4B, Brgy. Lambakin, Marilao, Bulacan.
Ayon sa report, kinilala lang ang rider na napatay na si alyas “Edwin”, residente ng Brgy. Lambakin, Marilao, Bulacan, at isang alyas “Jane” na nasa edad 20 pataas.
Sa imbestigasyon, pauwi na ang mga biktima nang paputukan ng gunman na nakasuot ng itim na long sleeves, facemask at lulan ng Yamaha Mio motorcycle halos limang metro ang layo sa kanilang inuupahang bahay, base sa impormasyong nakalap mula sa pulisya.
Agad na tumakas ang suspek nang makitang napuruhan ang dalawang biktima sa direksyon na patungong lungsod Meycauayan.
May mga report na nakitaan umano ng 38 sachet ng hinihinalang shabu sa short pants ng lalaking biktima at may baril na nakasukbit sa beywang nang siyasatin ng mga awtoridad ang bangkay nito.
Tinatayang 9 na bala ng caliber .45 ang inubos ng gunman na kalaunan ay narekober ng mga awtoridad na patuloy nagsasagawa ng imbestigasyon.
Sinasabing nasa dalawang linggo pa lamang nakatira ang mga biktima sa inuupahang bahay sa nasabing lugar.
- Latest