Kotse vs pickup: 2 patay, 7 sugatan
COTABATO CITY, Philippines — Dalawa ang patay at pitong iba pa ang sugatan sa salpukan ng isang kotse at pick-up truck sa Barangay Impao sa Isulan, Sultan Kudarat nitong hapon ng Biyernes.
Sa mga hiwalay na ulat ni Lt. Col. Julius Malcontento, Isulan municipal police chief, at ng mga opisyal ng Sultan Kudarat Provincial Police Office, nabatid na dead-on-arrival ang 8-taong gulang na si Aliyah Angel Macalapay at si Charlie Mae Macalapay, 40-anyos, nang isugod sila ng mga responders sa isang pagamutan sa nasabing bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang dalawa ng isang kotseng kulay pula, may plakang MBD 7469 na minamaneho ni Nelson Mijares Malacapay Jr., 46-anyos, nang banggain sila ng kasalubong na kulay metal grey Mitsubishi pickup truck na minamaneho ng 29-anyos na si Joven Ampo Catubo sa isang bahagi ng highway sa Barangay Impao, Isulan.
Sa ulat ng mga barangay officials at ng mga kasapi ng Isulan Municipal Police Station na nagresponde sa insidente, nagawi sa kabilang parte ng daan ang sasakyan ni Catubo matapos mag-overtake ng sobrang bilis sa sinusundang sasakyan kaya nito nabundol ang kotseng lulan ang mga biktima na mula sa kabilang direksyon ng highway.
Nagtamo ng maselang mga sugat at pasa sa katawan sanhi ng aksidente ang driver ng kotse at ang lima pang sakay nitong sina Merlyn Flores, 63-anyos; Connie Sanico, 62-anyos; Jesil Lopez, 36-anyos; Shamona Flores, 17-anyos, at 7- taong gulang na si Jonela Lopez; pawang taga-Barangay Daladap, Esperanza, Sultan Kudarat,
Sugatan din sa aksidente si Catubo na taga-Tacurong City na nagresulta sa matinding pagkasira ng kanyang pick-up truck.
- Latest