P7.6 milyong Ecstasy tablet nasabat sa Clark
MANILA, Philippines — Umaabot sa 4,500 tableta ng party drug na Ecstasy na nagkakahalaga ng P7.6 milyon ang nasabat ng mga otoridad sa isinagawang interdiction operation sa Port of Clark sa lalawigan ng Pampanga nitong Miyerkules.
Sa pinagsamang ulat ng Philippine Drug Enforcement Authority -Clark Interdiction Unit at ng Police Regional Office (PRO) 3 ang naharang na illegal na epektos ay mula sa Belgium at dumating sa Port of Clark noong Marso 29 kung saan nanatili ito sa nasabing pantalan ng ilang araw.
Bago ito nakatanggap ng impormasyon ang PDEA-International Cooperation and Foreign Affairs Service na may darating umanong parcel galing Belgium na darating sa Port of Clark.
Nabatid na ang nasabing package na naglalaman ng kontrabando ay binuksan ng Bureau of Customs-Port of Clark sa presensiya ng PDEA-Clark personnel at iba pang mga testigo. Agad namang sinuri ang nasabing mga epektos na natukoy na ang party drugs na Ecstasy.
Ituturnover naman sa PDEA-Regional Office 3 ang nakumpiskang mga Ecstasy tablet para maisailalim sa forensic examination sa kanilang laboratory.
- Latest



















