German na hubo’t hubad, natagpuang patay!
CAVITE, Philippines — Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa pagkakatagpo sa wala nang buhay na German national sa inuupahan nitong apartment sa Trece Martires City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Erein Koenemann, nasa hustong gulang, residente ng Sampaguita Ayala Village, Brgy. Inocencio, Trece Martires City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-3:40 ng hapon nang makatanggap ng tawag ang Trece Martires Police mula sa kapitbahay ng biktima hinggil sa pagkakatagpo sa walang buhay na katawan nito matapos na may tatlong araw na umanong hindi nila nakikita ang biktima.
Sinubukan umanong buksan ng mga kapitbahay ang pinto ng inuupahan ng biktima subalit naka-lock ito kung kaya sinilip nila sa bintana ang loob at dito nila nakita ang nakahandusay na biktima sa sofa at walang anumang saplot sa katawan.
Natagpuan din ng pulisya sa tabi ng biktima ang nagkalat na iba’t ibang klase ng gamot, dalawang bote ng Coke at isang bote ng alak.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang awtoridad sa sanhi ng pagkamatay ng nasabing dayuhan.
- Latest