7-anyos sinuwag ng ambulansya, patay
STA. MARIA, Bulacan, Philippines — Patay ang batang mag-aaral na biglang tumawid sa kalsada nang suwagin ng isang humahagibis na ambulansiya sa Brgy. Bagbaguin ng nasabing bayan kamakalawa ng tanghali.
Sa report ng pulisya, ang biktima ay isang 7-taong gulang na lalaking estudyante at residente ng Brgy. Lambakin, Marilao, Bulacan.
Ayon sa report, naganap ang insidente bandang alas-12:30 ng tanghali nitong Marso 4 sa kalsadang sakop ng Paso Brgy. Bagbaguin.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon, aksidenteng natumbok ng Toyota Hi-Ace commuter ambulance ang biktima nang biglang tumawid sa kalsada sa nabanggit na lugar.
Agad dinala ng ambulance crew ang biktima sa Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital para sa paunang lunas subalit binawian ng buhay.
Boluntaryong sumuko ang driver ng ambulansiya na isang 50-anyos na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.
- Latest





















