Kanlaon patuloy ang alboroto, 16 beses umuga
MANILA, Philippines — Labing-anim na pagyanig ang naitala ng Philippine Institute of Volcanoloy and Seismology (PhiVolcs) sa Kanlaon volcano sa Negros Island.
Sa ipinalabas na bulletin ng Phivolcs kahapon, ang pagyanig ng Mt Kanlaon ay may pagitang 49-84 minuto habang dalawang beses din itong nagbuga ng abo sa pagitan ng 43 hanggang 49 minuto.
Naobserbahan din na nagbuga ng 3,984 toneladang ng sulfur dioxide o asupre ang bulkan nitong nakalipas na Sabado.
Samantala, ang makapal na usok na nasa 1,200 metro ang taas ang lumabas mula sa bunganga ng bulkan at tinangay ito ng hangin patungong kanlurang direksiyon.
Nananatili sa alert level 3 ang Kanlaon volcano na patuloy pa rin ang pag-aalburoto matapos ang pagsabog nito noong Disyembre 9.
Inihayag naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno na naghahanda ang kanilang tanggapan sa posibleng pagtataas ng alert level kung magpapatuloy ang pagiging bayolente ng bulkan.
Kung patuloy ang abnormalidad ng bulkan na nagbabadya ng mas malakas at mapanganib pang pagsabog ay posibleng ipatupad na ng Task Force Kanlaon ang pagpapalawig ng 10 kilometer radius permanent danger zone (PDZ) sa palibot ng bulkan mula sa kasalukuyang 6km radius PDZ.
- Latest