Food Panda rider, 1 pa tiklo sa P680K droga
Shabu dini-deliver imbes na pagkain
CAVITE, Philippines — Sa halip na mga pagkain ang dini-deliver ng isang Food Panda rider, mga shabu ang dinadala nito sa kasabwat na kliyente sa isang subdivision sa lungsod ng Trece Martires sanhi upang kapwa madakma ng pulisya sa ikinasang buy-bust operation, kamakalawa ng hapon.
Himas-rehas na ngayon ang dalawang suspek na sina alyas “Mark”, 37-anyos, Food Panda rider, residente ng Brgy. Mambog 1, Bacoor Cavite, at alyas “Charlie”, 41, construction worker, ng Paragon Village, Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City, Cavite.
Nakatakas naman ang may-ari ng bahay na dedeliberan ng droga na isang babae na kinilala sa alyas “Mary”, 38, ng Paragon Village, Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City.
Sa nakalap na ulat, alas-12:45 ng hapon nang ikasa ng PDEA Regional Office –RSET-1 sa pangunguna ni Police Inspector Marcial Calubaquib at PDEA Regional Office Cavite, team leader Inspector Ronnel Martinez, PDEA Regional Office 4-A at PNP PDEU-Cavite, PStaff Sgt. Rhealyn Lincallo ang isang buy-bust laban sa mga suspek.
Sa isinagawang surveillance operations, lumalabas na matagal na palang gawain ng mga suspek na mag-deliver ng shabu sa pamamagitan ng Food Panda.
Ayon sa mga kapitbahay, madalas umanong mag-deliver ang nasabing Food Panda rider sa nasabing address na inakala lamang na mga pagkain ang idini-deliver nito.
Nakumpiska sa mga suspek ang may 100 gramo ng shabu na aabot sa halagang P680,000. Narekober din ang buy-bust money na ginamit at ang motorsiklo ng Food panda rider na pulang Honda Click motorcycle na may plate number 308QES.
- Latest