Retiradong pulis, 1 pa todas sa ambush!
3 pang kasama sa sasakyan sugatan
COTABATO CITY , Philippines — Dalawang Maranao kabilang ang isang dating pulis ang agad namatay habang tatlong iba pa ang sugatan matapos tambangan sa Barangay Paigoay, Marogong, Lanao del Sur nitong hapon ng Sabado.
Kinumpirma nitong Linggo ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region
(BAR), ang pagkamatay sa ambush ng retiradong pulis na si Solaiman Alibasa at kasamang si Hadji Asrap Sandab.
Sa ulat kay Macapaz ng Marogong Municipal Police Station, sakay ng isang pulang Toyota Innova sina Alibasa at Sandab at tatlo pang mga kasama, patungo sana sa bayan ng Malabang sa Lanao del Sur, nang sila ay paputukan ng assault rifles ng mga lalaking nakapuwesto sa gilid ng highway sa Barangay Paigoay, isang liblib na pook sa Marogong.
Tatlong iba pang sakay ng Toyota Innova na pinagbabaril ng mga armado na nakilalang sina Sanaoray Alibasa, Sarpia Mangayao at Ramil Bao, na isa ring retiradong pulis, ang sugatan at agad na isinugod ng mga barangay emergency responders at mga pulis sa Serapio Montañer Hospital upang malapatan ng lunas.
Ayon kay Macapaz, may direktiba na siya sa mga opisyal ng Lanao del Sur Provincial Police Office na hingiin ang suporta ng mga local executives sa probinsya sa pagkilala sa mga responsable sa naturang ambush upang masampahan agad ng mga kaukulang kaso.
- Latest