Negosyante, 1 pa todas sa ambush
COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang negosyante at isang magsasaka matapos silang tambangan sa magkahiwalay na lugar sa probinsya ng Sultan Kudarat nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat nitong Sabado ng Tacurong City Police Station, patay agad sa mga tama ng bala ang negosyanteng si Rel Blanco nang pagbabarilin ng mga armado habang sakay ng kanyang kotse, kasama ang kanyang misis, sa isang bahagi ng Alunan Highway sa Tacurong City.
Ayon sa mga saksi, mabilis na nakatakas ang mga nag-ambush sa nasawing si Blanco at kanyang misis na nakaligtas sa naturang insidente.
Samantala, unang napatay nito ring gabi ng Biyernes sa katulad na pananambang sa Barangay Kabulakan sa Lambayong, Sultan Kudarat ang magsasakang si Aldrin Ablaneda.
Minamaneho ni Ablaneda ang kanyang tricycle nang paputukan ng mga armado habang kanyang binabaybay ang isang liblib na bahagi ng highway sa Barangay Kabulakan, pauwi na sana sa kanilang hindi kalayuan kung saan siya pinaslang.
Mabilis din na nakatakas ang mga pumatay kay Ablaneda, ayon sa mga opisyal ng Lambayong Municipal Police Station.
- Latest