Inang Moro, nagsilang ng quadruplets!
Health workers, agencies umayuda
COTABATO CITY, Philippines — Nagsama-sama ang mga health workers at iba’t ibang ahensya sa Bangsamoro region sa pag-ayuda sa isang inang Moro sa Maguindanao del Sur at tatlo sa kanyang isinilang na quadruplets, pinaka-una sa kasaysayan ng probinsya.
Isa sa quadruplets na isinilang ni Naila Datuali Utto sa kanilang tahanan sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur ay pumanaw makalipas ang ilang oras habang ang tatlong sanggol ay kasalukuyang nasa Cotabato Regional Medical Center sa Cotabato City.
Sa mga hiwalay na pahayag nitong Miyerkules, kinumpirma ng mga manggagamot na sina Mohammad Ariff Baguindali, chief ng Maguindanao Integrated Provincial Health Office, at Kadil Monera Sinolinding, Jr., health secretary ng Bangsamoro region, na bibigyan nila ng sapat na suportang pangkalusugan si Utto at ang kanyang tatlong sanggol.
Magpapaabot din ng tulong sa mag-ina ang tanggapan ni Bangsamoro Social Services Minister Raissa Jajurie, ayon sa mga kawani ng naturang ministry.
Ayon sa mga kamag-anak ni Utto at ng kanyang kabiyak na si Nasser, hindi niya namalayan na quadruplets pala ang kanyang ibinuntis dahil sa kawalan ng sapat na prenatal support mula sa isang obstetrician-gynecologist dahil sa kakulangan ng pera.
- Latest