Pekeng opisyal ng Malacañang, tiklo sa NBI
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Isang nagpakilalang empleyado ng Palasyo ng Malakanyang ang inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos dumalo sa isang pagtitipon bilang isa sa mga panauhin sa Convention Center, sa Capitol compound ng bayan ito, kamakalawa.
Ayon kay Virgilio Reganit, Agent Head ng NBI-Nueva Vizcaya, ang nadakip na itinago sa pangalan na Romy, 40-anyos ay residente ng Barangay Luyang, Bayombong.
Sinabi ng NBI na nagpakilala si Romy bilang head ng Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ng Palasyo kung saan kinuha siya bilang isa sa mga panauhin para sa dalawang araw na selebrasyon ng First Gaddang Congress na dinaluhan ng mga katutubong mga Gaddang mula lalawigan ng Nueva Vizcaya, Isabela at Mt. Province.
Ayon pa kay Reganit, mismong ang opisina ng Palasyo ang nagkumpirma sa pamamagitan ng NBI Headquarters na hindi konektado sa opisina ng Presidente si alyas Romy at nagpapanggap lamang.
Bunsod nito, inaresto ang suspek at agad na dinala sa NBI national headquarters.
Kasong usurpation of authority ang kakaharapin ng suspek, ayon sa NBI.
- Latest