BARMM namahagi ng allowance sa Islamic preachers
COTABATO CITY, Philippines — Aabot sa 163 Islamic missionaries na may mga peace programs sa malalayong barangay ang tumangap ng P15,642 allowance mula sa Bangsamoro Labor Ministry nitong Huwebes.
Ang pamamahagi ng Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MoLE-BARMM) ng naturang tatlong–buwang allowance para sa mga Ustadz, o mga nagtuturo ng Islam, sa mga bayan na sakop ng BARMM ay kaugnay ng Bangsamoro Internship Development Program ng naturang ahensya.
Ilan sa mga benepisyaryo ng naturang 3-buwang allowance ang nagkumpirma sa mga reporters nitong Sabado ng kanilang pagtanggap mula sa MoLE-BARMM sa isang pagtitipon sa campus ng Jamiat Cotabato and Institute of Technology, isang Islamic school sa Cotabato City.
Pinangunahan ng kinatawan ni MoLE-BARMM Minister Muslimin Sema na si Deputy Minister Tommy Nawa at ang namamahala ng kanilang Administrative and Finance Services na si Attorney Mohamad Ali Midtimbang, Jr., ang naturang aktibidad.
Sa tala, 34 na Islamic preachers sa Cotabato City ang tumanggap mula sa MoLE-BARMM ng P15,642 allowance bawat isa, 15 naman sa Maguindanao del Norte, 50 sa Lanao del Sur at kabisera nitong Marawi City, 37 sa Maguindanao del Sur at karagdagang 27 pa na taga-Special Geographic Area na sakop ang 63 na Bangsamoro barangays sa probinsya ng Cotabato.
- Latest