Lahar dumaloy sa La Castellana, Canlaon City
MANILA, Philippines — Dumaloy ang lahar o rumaragasang putik mula sa bunganga ng Kanlaon volcano dulot ng thunderstorm sa Negros Island, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes.
Sa monitoring ng NDRRMC,naranasan ang katamtamang pag-ulan na sinundan ng thunderstorm at bunsod nito ay rumagasa ang lahar mula sa bunganga ng bulkan mula sa timog na bahagi nito.
Base sa report, nagsimula ang pagdaloy ng lahar dalong ala- 1 nitong Miyerkules ng hapon na tumagal naman ng 25 minuto.
Ayon sa NDRRMC, bukod sa makapal na rumaragasang putik ay mayroon ring mga debris ng bulkan at buhangin na bumara sa mga daluyan ng tubig sa mga apektadong lugar.
Kabilang sa naapektuhan ay ang Tamburong Creek sa bahagi ng Brgy. Biak na Bato at Brgy. Calapnagan; pawang sa La Castellana, Negros Occidental.
Gayundin ang Intiguiwan River sa Guinpanaan at itaas na bahagi sa Baji-Baji Falls sa Brgy. Cabacungan, La Castellana, Negros Occidental.
Samantalang dinaluyan din ng lahar ang Padudusan Falls sa Brgy. Masulog, Canlaon City, Negros Oriental.
Ang Binalbagan River ay matindi ring naapektuhan sa katimugan ng Mt. Kanlaon.
Ang kahabaan ng pangunahing highway sa Brgy. Biak na Bato ay hindi madaanan ng mga motorista dulot ng malagkit na putik.
Magugunita na ang Mt. Kanlaon sa Negros Island ay pumutok noong nakalipas na Lunes matapos naman ang unang pagputok nito may anim na taon at kalahati na ang nakalilipas.
- Latest