Nasalanta ni Aghon, higit 51K katao na
MANILA, Philippines — Umaabot na sa 51, 569 katao ang naapektuhan ng bagyong Aghon sa CALABARZON, Bicol Region at Central Luzon, ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.
Sa tala ng NDRRMC, kabilang sa mga naapektuhang pamilya ay nasa 25,980 katao sa CALABARZON; Bicol Region na nasa 10,476 katao habang sa Central Luzon ay nasa 8,589 namang katao.
Ayon sa NDRRMC, naitala rin na 21,225 ang bakwit o nagsilikas kung saan 14,816 sa kanila ay nanuluyan sa mga evacuation centers habang 6,409 nakikitira sa mga kamag-anak at kaibigan.
Nananatili namang pito ang naitalang nasawi sa bagyong Aghon.
Nasa 22 ang napinsalang kabahayan, tatlo ang naapektuhang mga paliparan, 60 ang mga pantalan saka 38 namang mga tulay at kalsada ang apektado rin ng kalamidad.
Samantalang aabot naman sa P4 M halaga ng food packs ang ipnamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo. (Joy Cantos)
Samantala, sa ulat ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), umaabot sa P534 milyon sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ang sinira ng bagyong Aghon.
Sa pinakahuling pagpupulong kahapon na pinamunuan ni Governor Dra. Helen Tan, nabatid na umabot na sa P119 milyon ang halaga ng mga nasirang imprastraktura.
Ayon kay Gov. Tan, naitala ang 1,892 na totally damaged na mga kabahayan at 12,750 Ang partially damaged.
Sa mahigit 3 milyong populasyon ng lalawigan ng Quezon, nasa 2,548 na pamilya ang labis na nasalanta ng bagyo at may katumbas na 52,771 na indibidwal.
- Latest