10K taga-Zamboanga, tumanggap ng ayuda
MANILA, Philippines — Umaabot sa 10,000 benepisyaryo mula sa Zamboanga City ang tumanggap ng ayudang cash at bigas bilang bahagi ng revolutionary program na nagkakaloob sa netizens mula sa mga bulnerableng sektor ng abot kayang bigas at pinansyal na ayuda.
Ang Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program ay inisyatibo ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na naglalayong palakasin ang “purchasing power” ng publiko at nagsisilbi ring istratehikong pamamaraan laban sa hoarding at pagmamanipula ng presyo ng mga stocks ng bigas.
“Alam po ng inyong mga kinatawan ang pinagdadaanan ng marami. Dama din po namin sa Kamara de Representante ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kasama dito ang bigas,” pahayag ni Romualdez sa programa na isinagawa sa Summit Center ng Universidad de Zamboanga nitong Biyernes.
“Kaya nga’t binuo ng tanggapan ng inyong lingkod ang programang CARD. Tinutugunan ng programang ito ang pangangailangan na masiguro na ang mas nakararaming Pilipino ay palaging may bigas na maisasaing, mapigilan ang hoarding at ng sa gayon ay mapabagal ang pagtaas ng presyo ng bilihin,” dagdag ni Romualdez.
Sa nasabing programa, bawat isa sa 10,000 benepisyaryo sa lungsod ay tumanggap ng P2,000 mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program ng DSWD at 1,000 pesos namang halaga ng 25-kg premium rice.
Ang mga benepisyaryo ay nagmula naman sa mga bulnerableng sektor tulad ng mahihirap, senior citizens, PWDs, solo parents at iba pa.
- Latest