2 bahay pinag-imbakan ng P9.68 bilyong shabu, ni-raid
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Sinalakay ng mga awtoridad ang dalawang paupahang bahay na hinihinalang ginamit na bodega ng 1.4 toneladang shabu na nagkakahalaga ng P9.68 bilyon na nasabat sa checkpoint ng pulisya sa Alitagtag, Batangas nitong Lunes.
Armado ng search warrant na inisyu ng korte, ni-raid ang dalawang inuupahang bahay na may ilang metro lang ang layo sa Yacht place sa Barangay Natipunan, Alitagtag.
Ayon sa pulisya, negatibo ang operasyon nang wala silang madatnan na laman ang mga bahay at wala ring marka ng droga.
Sa kabila nito, kasalukuyang tinutunton ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng may-ari ng mga inuupahang bahay.
Pinapatunayan ng pulisya ang mga ulat na may dayuhang umupa ng yate at dalawang bahay at dumating ito sa baybayin ng nasabing barangay sa Nasugbu noong Marso 30.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang yate na umano’y dating ginagamit sa pagbibiyahe ng shabu at ngayon ay sumasailalim sa iba’t ibang pagsusuri na isinagawa ng mga tauhan ng forensic unit.
Ayon sa mga source, ang dalawang Filipino boat captain ng nasabing mga yate ay inutusan umano ng may-ari ng yate na magbakasyon.
Nabatid na ang yate ay nilayag ng isang dayuhang kapitan ng bangka para magsagawa ng isang linggong surveillance sa dalampasigan ng Palawan bago ihatid ang droga sa baybayin ng Nasugbu, Batangas bago ang Holy Week season.
Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang dalawa pang sasakyan na nagsilbing mga back-up ng pampasaherong van na naharang sa police checkpoint at nasamsamsam ng nasabing bilyun-bilyong halaga ng shabu sa Alitagtag, noong Lunes.
- Latest