Hepe ng Intelligence Unit-Calabarzon, sinibak
CAMP VICENTE LIM, LAGUNA, Philippines – Sinibak sa puwesto ang hepe ng Regional Intelligence Unit-Calabarzon dahil sa umano’y pagsuway sa legal na utos ng isang mataas na opisyal sa Calabarzon command.
Ang relief order ni Col. Bernard Danie Dasugo, RIU-Calabarzon chief, ay nagmula umano sa taanggapan ni Brig. Gen. Romeo Macapaz, director ng Intelligence Group, noong Marso 15.
Si Dasugo ay pinalitan ni Col. Noreen Peñones bilang bagong direktor ng RIU-Calabarzon at si Peñones ay naluklok sa kanyang puwesto sa isang simpleng turnover ceremony noong Sabado. Samantala si Dasugo ay inilipat sa Counter Intelligence ng Intelligence Group.
Sinabi ni Macapaz sa panayam sa telepono, tinanggal si Dasugo sa kanyang puwesto matapos ipabatid sa kanya ng isang opisyal ng Calabarzon ang tungkol sa hindi umano nito pagsunod sa nakatataas.
Hindi naman maabot ng PSN si Dasugo para sa kanyang komento.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source, inutusan ng isang mataas na opisyal sa Calabarzon command si Dasugo na huwag ituloy ang kanyang mga galaw at kausapin ang ilang surrender fillers kaugnay sa posibleng pagsuko ng umano’y isa sa mga miyembro ng Cueto Group, isang DI-listed Potential Private Armed Group, dahil sa may nakabinbing kriminal na mga kasong isinampa sa Department of Justice.
Sa halip na pag-aralan ang mga kasong kriminal ng grupong Cueto, binalewala umano ni Dasugo ang legal na utos habang ipinagpatuloy niya ang kanyang aksyon at hakbang para mapadali ang pagsuko ng isang Jonathan Bondad alyas “Bojo”, 49, at residente ng Brgy. Bagumbayan, Santa Maria, Laguna, noong Enero 20, 2024.
- Latest