2 todas sa pamamaril sa Bacolod
MANILA, Philippines —Dalawa katao ang patay nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng gabi sa Bacolod City.
Dead-on-arrival (DOA) sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH) ang mga biktimang sina John Paul Montaño, 35, bodyguard kasamang si Christopher Mondejar, 18, kapwa residente ng Barangay Mansilingan.
Ayon kay Police Capt. Andy Ofalia, hepe ng Police Station 7, papasok sa kayang trabaho sa Brgy. Punta Taytay si Montaño kasama si Mondejar nang sundan ng isang kotse na may sakay na dalawa hanggang tatlong armadong mga suspek.
Dala ng matinding takot, pinaharurot ng mga biktima ang motorsiklo subalit nakorner sila sa Barangay Alijis at saka pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek.
Natagpuang tadtad ng tama ng bala ng baril sa katawan ang mga biktima at dinala sa nabanggit na ospital pero kapwa idineklarang DOA.
Nakuha sa crime scene ang pitong basyo ng 9mm, apat na basyo ng .45 caliber at kutsilyo.
Sinabi ni Ofalia na may person of interest sa insidente.
Tinitignan na rin ang anggulo na personal na alitan ang motibo sa pamamaslang dahil may dati nang inireklamo si Montaño na pambubugbog at pananakit. Bineberipika na rin ag sasakyan ng mga suspek.
- Latest