1,354 pang estudyante, pasok sa scholarship ng mining company
COTABATO CITY , Philippines — Karagdagang 1,354 na estudyante pa mula sa mga mahihirap na pamilya, na karamihan ay mga miyembro ng tribong Blaan at T’boli, ang nakapasok sa 2023-2024 scholarship program ng isang pribadong kumpanya ng minahan sa probinsya ng South Cotabato.
Sa ulat ng ibat-ibang mga himpilan ng radyo sa Central Mindanao nitong Biyernes, mismong mga local officials sa bayan ng Tampakan sa South Cotabato, sa Columbio sa Sultan Kudarat, sa Malungon sa Sarangani, at Kiblawan sa Davao del Sur ang pagkakatanggap sa naturang 1,354 na mga estudyante sa scholarship program ng Sagittarius Mines Incorporated, o SMI.
Ang SMI ay kinontrata ng Malacañang, may pagsang-ayon mula sa mga Blaan at T’boli tribal councils at mula sa National Commission on Indigenous Peoples, para magsagawa ng Tampakan Copper-Gold Project sa naturang apat na bayan na sisimulan sa taong 2025.
Sa mga hiwalay na pahayag nitong Biyernes, binanggit nila Columbio Vice Mayor Bai Naila Mamalinta at Malungon Mayor Maria Theresa Constantino na naglaan ng karagdagang P10.2 million ang SMI para sa pagpapalawig pa ng scholarship program nito ngayon taon, sa kabila ng hindi pa ito nakakapagsimula ng copper at gold exploration sa kani-kanilang mga bayan simula’t-sapol.
Ayon kay Blaan tribal leader Domingo Collado, representatibo ng indigenous people sa Sangguniang Bayan ng Tampakan, 46 na mga college scholars ng SMI na mga taga Barangay Tablu sa naturang bayan ang tumanggap, nito lang nakalipas na linggo, mula sa kumpanya ng P5,500 bawat isa bilang inisyal na schooling allowance para sa buwang kasalukuyan.
- Latest