‘Joker’, tinarakan ng mag-utol, dedbol

MANILA, Philippines — Dead on the spot ang isang binata nang gulpihin at tarakan ng patalim sa lalamunan ng magkapatid na napikon sa biro nito habang nagtatrabaho sa gulayan, kamakalawa sa Brgy. Santiago, Gen. Trias City, Cavite.
Kinilala ang nasawi na si Percival Balero Torogon, magsasaka, residente ng Sitio Bagong Silang, Brgy. Santiago ng nasabing lungsod.
Agad tumakas ang magkapatid na suspek na kinilala sa mga alyas na Lakas, 35-anyos at Joel, 37-anyos, residente ng Brgy. Pasong Camachile 2 ng nasabi ring lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang krimen, alas-12:02 ng madaling araw ay magkakasama ang biktima at mga suspek sa repolyo plantation at habang nagtatrabaho ay nagkukuwentuhan ang mga ito.
Nakapagbitiw ng biro ang biktima patungkol sa suspek na si Lakas na hindi nito nagustuhan. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa mauwi sa suntukan.
Pinagtulungang bugbugin ng magkapatid ang biktima at hindi pa nasiyahan, kumuha pa ng patalim ang isa sa mga suspek at tinarakan sa leeg na agad nitong ikinasawi.
- Latest