Magsasaka patay sa suntok ng kapitbahay
TAGKAWAYAN, Quezon, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang magsasaka matapos suntukin ng nakaalitang kapitbahay sa Sitio Looban, Barangay Mansalay sa bayang ito, kamakalawa ng gabi.
Hinihinalang internal hemorrage ang ikinamatay ng biktimang si Ginard Caña, 27, binata habang boluntaryo namang sumuko sa himpilan ng pulisya ang suspek na nakilala lamang sa alias Michael, 41.
Sa ulat, bandang alas-9:30 ng gabi ay huling nakita ang biktima na nakatayo sa harapan ng bahay ng suspek na umano’y nagkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa suntukan.
Nasapol ang biktima ng suntok ng suspek sa mukha kung kaya’t bumagsak ito na ang ulo ay tumama sa sementadong kalye at mabilis na dinala ng mga saksi sa Maria Eleazar General Hospital na kung saan ay idineklara itong dead on arrival.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na nakapiit ngayon sa Municipal Jail.
- Latest