2 Korean, tepok sa sauna sa Batangas resort
BATANGAS, Philippines — Dalawang turistang Koreano ang nasawi habang isa ang nakaratay sa ospital matapos umanong ma-suffocate habang nasa loob ng sauna sa isang resort sa bayan ng Mabini sa lalawigang ito, noong Linggo ng madaling-araw.
Kinilala ni Major Arwin Baby Caimbon, Mabini Chief of Police ang mga nasawing biktima na sina Sun Tae Kim, 67 at Yun Seok Seo, 63.
Sa naantalang ulat ng pulisya, nabatid na kapwa idineklarang dead-on-arrival ang dalawang dayuhan sa St. Camillus Hospital sa Barangay P. Niogan, Mabini, Batangas.
Isa sa kanilang kasamahan na nakilalang si Hak Neung Kim, 59, ang nakaligtas sa insidente na kasalukuyang nagpapagaling sa nabanggit na ospital.
Ayon sa report, kagagaling lang sa outdoor adventure ang mga biktima at pagbalik ng mga ito sa resort pasado alas-12 ng madaling-araw ay nagdesisyong magtungo sa sauna ng resort para mag-sauna bath.
Sa imbestigasyon, mga lasing umano ang mga biktima nang pumasok sa loob ng sauna.
Bandang alas-3:00 ng madaling-araw nang mag-check ang resort attendant sa mga guests at nadiskubre ang tatlo na wala nang malay at nakahandusay sa sahig ng sauna.
Mabilis namang isinugod sa ospital ang tatlong turista gayunman idineklarang patay ang dalawa.
Ayon kay Maj. Caimbon, inaantay na lang nila ang pagdating ng kinatawan ng Korean Embassy at mga kamag-anak ng mga namatay para sa kaukulang disposisyon.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa insidente at inaalam kung may pananagutan ang nasabing report sa sinapit ng tatlong Koreano.
- Latest