8 pumatay sa brgy. kagawad at tanod, dakma
COTABATO CITY, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang walong lalaki na lumusob at nakapatay ng isang bagong halal na kagawad at isang barangay tanod sa Kudarangan sa Midsayap, Cotabato,nitong Huwebes ng hapon.
Kinumpirma nitong Biyernes nila Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12, at Cotabato provincial police director Col. Harold Ramos ang pagkakaaresto sa walong suspects na kabilang sa grupo na pumatay gamit ang mga assault rifles kay Tho Puyo Singh at Bayao Mohammad Uka sa Barangay Kudarangan sa Midsayap pasado 1:00 ng madaling araw nitong Huwebes.
Si Singh, 73-anyos, ay bagong halal na kagawad sa Kudarangan habang ang 58-anyos na si Uka ay isang tanod naman sa naturang barangay.
Sa tulong ng mga local officials, nasukol ng mga kasapi ng Midsayap Municipal Police Station at mga tropa ng mga unit ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang walong mga suspects na nakumpiskahan ng tatlong M16 at apat na M14 rifles.
Ayon sa mga residente ng Kudarangan, tinalo ni Singh at iba pang mga nahalal na mga kandidato sa pagka-kagawad sa naturang lugar nitong October 30 elections ang mga kandidatong mga kamag-anak ng mga salarin.
- Latest