Mayoral bet na na-DQ at wanted, timbog!
BAGUIO CITY, Philippines —Isang convicted mayoralty bet na nanalo pa sa 2022 mayoral race sa Paracelis, Mountain Province ang inaresto matapos magtago dahil sa kasong illegal logging, sa ginawang pagsalakay sa kanyang hideout sa Loc-ong, Poblacion, Bontoc nitong Martes.
Nasa kustodya na ng Bontoc Municipal Police Station ang wanted na si Avelino Amangyen, 63 anyos, na una nang hinatulan ng korte at may standing warrant of arrest dahil sa paglabag sa Forestry Code.
Sa kabila ng pagkaka-convict, nagawa ni Amangyen na tumakbo at manalo sa 4,000 votes margin laban sa dalawang katunggali nito, na ngayo’y si incumbent Paracelis Mayor Marcos Ayangwa at isang Anton Liban.
Matapos ang halalan, nagprotesta si Ayangwa laban sa pagkapanalo ni Amangyen dahil sa usapin na wanted ang huli sa paggawa ng krimen.
Noong April 19, 2022, kinansela ng Second Division ng Commission on Elections (Comelec) ang Certificate of Candidacy (COC) ni Amangyen base sa kabiguan nitong ideklara ang kanyang criminal conviction.
Pinatawan din ng Comelec si Amangyen ng “Reclusion Temporal and Perpetual Disqualification from holding public office”.
Kasunod nito, nagtago na si Amangyen.
Ang korte ay walang inirekomendang piyansa sa pansamantalang kalayaan ni Amangyen.
- Latest