‘Most wanted’ sa Calabarzon, timbog

CAVITE, Philippines — Nalambat ng pulisya ang isang lalaki na nakatala bilang most wanted person (MWP) sa Calabarzon at may patung-patong na kaso sa inilatag na warrant operation, kamakalawa sa Brgy. Kaysuyo Alfonso Cavite.
Sa panayam kay Cavite Provincial Police Office director PCol. Dwight Alegre, nakipag-coordinate sa Cavite Police at Warrant Section ng Magallanes Police, ang Naga City Police sa pangunguna ni PLt. Ronnel Marges at Pol. Major Nollan C Romobio, hinggil sa diumano’y impormasyon na nasa Alfonso Cavite ang suspek na target ng operasyon.
Bitbit ang patung-patong na warrant na may mga kasong Violation of Sec. 4(A) in Relation to Sec(6) Sec 3(H) of RA 9208 as Amended by R.A. 10364, with Criminal Case No. RTC 2017-0683 at Violation of Sec 5(A) (I) of Art. III of R.A. 7610, with Criminal Case No. RTC 2017-0684 laban sa suspek na si alyas Herwin, tinungo ng mga ito ang Brgy Kaysuyo Alfonso kung saan naninirahan ang suspek.
Kasama si PMajor Raymond Balbuena, hepe ng Magallanes Municipal Police Station, naaresto ng mga awtoridad ang suspek sa mismong tinutuluyan nito na hindi na nakuha pang manlaban.
Nakatakdang ilipat sa lalawigan ng Naga City Police Station ang nakapiit na suspek.
- Latest