Babae sa Cotabato patay matapos kumain ng 'adobong palaka'
MANILA, Philippines — Isang babae sa Makilala, Cotobato ang nasawi matapos kumain ng inadobong palaka na hinuli lamang.
Ayon sa ulat sa programa ng GTV na “State of the Nation” nitong Huwebes, humuli ng palaka ang biktimang si Marilyn Degemente sa isang ilog.
Sabi ng pamilya ng biktima, kinain ng babae ang atay ng palaka habang ginawa pa itong pulutan ng iba pang kamag-anak.
Dinala sa ospital ang biktima matapos namanhid ang bibig, sumakit ang tiyan, at sumuka, ngunit pumanaw din.
Binanggit ng kanyang doktor na may likido sa bahagi ng katawan ng palaka na nagtataglay ng lason at inoobserbahan pa ang kalagayan ng mga kaanak na nakakain din ng palaka.
Maaalala rin ang isang insidente nitong Mayo kung saan limang magkakapatid ang nalason matapos kumain ng palakang nahuli lang din nila sa paligid ng kanilang bahay sa Dipolog City, Zamboangga del Norte. Nasawi ang pinakabatang kapatid sa lima. — intern Matthew Gabriel
- Latest