Ilang estudyante sa Batangas isinugod sa ospital dahil sa Taal 'volcanic smog'
MANILA, Philippines — Isinugod sa ospital ang ilang estudyante sa probinsya ng Batangas matapos makalanghap ng mapanganib na volcanic smog (vog) galing sa Bulkang Taal.
Ang balita ay ipinagbigay alam ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Tuy, Batangas sa isang Facebook post nitong Huwebes.
"[Kahapon] po ganap na 2:00 pm ay may mga estudyante na nahirapang huminga at ang iba ay kinailangan pang dalhin sa Hospital," sabi ng Tuy MDRRMO kagabi.
"Panatilihin palagi ang pagsusuot ng Face mask para sa ating kaligtasan."
Hinihingi pa ng Philstar.com sa Tuy MDRRMO kung ilang estudyante na ang naospital at kung saang eskwelahan nanggaling ang mga nabanggit.
Wala pa ring balita kung ilan na sa kanila ang na-discharge sa ngayon.
"Nagpapasalamat po kami sa lahat ng tumulong sa amin kanina," dagdag pa nila.
Una nang sinabi ng Phivolcs na binubuo ng pinong droplets ng volcanic gas gaya ng sulfur dioxide ang vog, bagay na acidic at maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract.
Pinalilimitahan sa ngayon sa mga apektado ng vog lalo na sa Batangas ang paglabas-labas ng bahay habang hinihikayat ang pagsusuot ng N95 masks at palagiang pag-inom ng tubig kung maaari.
"People who may be particularly sensitive to vog are those with health conditions such as asthma, lung disease and heart disease, the elderly, pregnant women and children," wika ng state volcanologists.
- Latest