6 ‘holdaper’ na dumayo, nasukol
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Kalaboso ang anim na umano’y kilabot na holdaper mula sa Davao Oriental nang masukol ng awtoridad sa lungsod na ito, tatlong oras makaraan silang dumayo at mangholdap ng isang establisi- myento sa Makilala, Cotabato nitong Martes.
Nasa kustodiya na ng Kidapawan City Police Office ang mga suspek na kinilalang sina Gemar Solidag Tipan, Manilito Paragas Linda, Allan Colita Miesco, Dennis Singson Sefuentes, Denver Jay Sefuentes at Arcadio Tipan Sefuentes Jr., na nakorner ng mga humahabol na pulis sa isang mataong business center dito.
Sa pahayag nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12, ang anim na suspek ay unang nangholdap nitong Martes ng umaga ng mga sales agent ng isang food corporation, habang nakikipag-transaction sa Alabata Store sa Barangay Malasila, Makilala.
Sapilitan umanong nakunan ng mga suspek ng P50,000 cash ang tatlong biktima at ang may-ari ng establisimyento.
Sa halip na bumalik sa Davao City kung saan sila nagmula, nagtungo pa ang mga suspek sa sentro ng lungsod, gamit ang isang Mitsubishi Strada pick-up truck, para sa planong mangholdap ng isa pang tindahan.
Gayunman, nasukol ang anim na suspek ng mga kasapi ng Makilala Municipal Police Station at Kidapawan City Police Office nang maispatan sila habang nakaparada sa gilid ng Jose Abad Santos Street, na mistulang may minamanmanan.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang 9mm pistol, tatlong .45 caliber pistol, ilang sachet ng shabu at mga perang kanilang nakulimbat.
Ayon sa mga local government officials ng mga bayan ng Banaybanay at Lupon sa Davao Oriental, residente ng kanilang probinsya ang mga suspek at may mga criminal records na sa iba’t ibang himpilan ng pulisya.
- Latest