Gunman ng kagawad sa Quezon, natimbog
MANILA, Philippines — Naaresto na ng pulisya ang isa sa tatlong suspek sa pagpatay sa isang barangay kagawad sa Tiaong, Quezon nitong Miyerkules sa isinagawang operasyon sa Candelaria ng nasabi ring lalawigan.
Sinabi ni Lt. Col. Marlon Cabataña, hepe ng Tiaong Police, ang gunman ay pansamantalang hindi muna nila pinangalanan dahil sa isinagawang operasyon laban sa dalawa nitong kasamahan na kasalukuyang tinutugis.
“Sa tulong ng video footages ng CCTV camera na nakakabit sa pinangyarihan ng krimen at sa mga testigo na positibong kumilala sa gunman at tamang koordinasyon sa LTO Office, nagawa nating matunton ang kinaroroonan ng gunman,” pahayag ni Cabataña.
Isa sa mga motorsiklo na ginamit sa krimen ay narekober din mula sa nasakoteng gunman.
Ayon sa Tiaong Police, ang biktima na nakilalang si Ricky Galangga, 44 anyos, kagawad ng Barangay Cabay ng nasabing bayan ay namatay habang ginagamot sa ospital bunsod ng mga tama ng bala sa dibdib.
Lumalabas sa imbestigasyon na si Galangga kasama ang ibang opisyal ng barangay ay nagpulong sa barangay hall sa Sitio Ilaya, Barangay Cabay, Tiaong noong Miyerkules ng alas-5:10 ng hapon.
Nang nasa harap na ng Barangay Hall ang biktima ay biglang dumating ang dalawang motorsiklo lulan ang tatlong lalaki. Isa sa mga suspek ang bumaba sa motorsiklo at lumapit sa nasabing kagawad saka walang kaabug-abog na pinagbabaril.
Matapos na makitang napuruhan ang kagawad, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng San Juan, Batangas.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng bala ng 9mm pistol.
- Latest