5 ‘wanted’ kumasa sa raid, todas sa shootout!
COTABATO CITY, Philippines — Napatay ng mga pulis ang limang wanted na kalalakihan na kanila sanang aarestuhin nitong Miyerkules ng umaga sa bayan ng Tulunan ngunit nanlaban kaya nagkaputukan na nagsanhi ng kanilang kamatayan.
Sinabi ni Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office 12, na ang isa sa limang nasawi ay si Danny Cabakungan na siyang pinaka-target sana ng law-enforcement operation sa Barangay Dungos sa Tulunan sa probinsya ng Cotabato na naging madugo.
Ihahain sana ng mga kasapi ng iba’t ibang unit ng PRO-BAR ang mga warrant of arrests, mula sa Regional Trial Court Branch 17, para sa iba’t ibang kasong kriminal, kay Cabakunganat mga tauhan nito ngunit naglabas umano sila ng mga baril at pinaputukan ang mga operatibang papalapit sa kanilang lungga.
Nagkaroon ng palitan ng putok sina Cabakungan at mga pulis na nag-resulta sa pagkasawi nito at apat niyang tauhan.
Ayon sa mga lokal na mga opisyal, mas kilala si Cabakungan sa Tulunan bilang “Commander Magnetic” na may grupong sapilitang nanghihingi ng “protection money” sa mga walang laban na mga magsasaka at mga may-ari ng mga pampasaherong sasakyan.
Nabatid na wanted sa batas si Cabakungan sa mga kasong pag-iimbak ng mga matataas na kalibre ng mga armas at pampasabog, sa nakawan ng mga baka at kalabaw, at pagpapakalat ng shabu sa mga liblib na mga pook sa Tulunan.
Ayon kay Macaraeg, natunton ng kanilang mga operatiba ang eksaktong kinaroroonan ni Cabakungan sa tulong ng mga residenteng matagal nang nagrereklamo sa kanilang pangingikil at mga gawaing nagpapahirap sa publiko.
- Latest