Search and retrieval operation sa missing chopper sa Palawan, patuloy
MANILA, Philippines — Patuloy ang isinasagawang search and retrieval operation sa medical evacuation chopper ng Philippine Adventist Missionary Aviations Services (PAMAS) sa Brookes Point sa Palawan.
Nabatid na dakong alas-7:53 kahapon ng umaga nang lumipad ang Sokol Helicopter ng Philippine Airforce (PAF) upang hanapin ang tinaguriang “yellow bee”.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang naturang chopper na may registry number N45VX na pagmamay-ari ng PAMAS ay umalis ng alas-9:00 ng umaga nitong Miyerkules mula Mangsee sa Balabac, Palawan at kumuha ng pasyente kung saan inaasahang lalapag sa Southwestern Palawan Provincial Hospital, alas-11:00 ng tanghali.
Subalit, nawala na ang kontak sa chopper, alas-12 ng tanghali na may sakay na limang pasahero na kinabibilangan ng piloto, nurse, kanilang pasyente, at dalawa pang kasama nito.
Agad namang rumes-ponde ang Philippine Coast Guard (PCG) at agad pumalaot ang multi-role response vessel ng BRP Malabrigo upang magsagawa ng search and rescue operations sa palibot ng Mangsee Island at ang chopper ng Coast Guard upang mag-conduct ng aerial inspection sa lugar.
Nagpadala na rin ng tauhan ang CAAP mula sa kanilang Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board upang magsagawa ng imbestigasyon at tumulong sa naturang insidente.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang paghahanap ng nawawalang chopper.
- Latest

















