Mister nabale ang leeg sa hilot, tepok
POLANGUI, Albay, Philippines — Sa halip na guminhawa ang pakiramdam sa nararamdamang pananakit ng kasu-kasuan, isang 54-anyos na mister ang nasawi matapos mabali ang leeg nito nang hilutin ng pinagdalhang manghihilot sa Brgy. Basud, Polangui, Albay.
Sa Tondo Medical Center sa Brgy. Balut, Tondo, Manila idineklarang patay makaraan ang ilang linggong nasa comatose status ang biktimang kinilalang si Ferdie Conserva Pelonia, residente ng Brgy. Pistola, Oas, Albay.
Inihahanda na ang kasong nakatakdang isampa sa “hilot doctor” na si Chong Tian Liao, ng Brgy. Gabon, Polangui, Albay matapos pormal nang magsampa ng reklamo sa Polangui Police ang mga kaanak ng biktima, kamakalawa.
Sa ulat, dakong alas-10 ng umaga noong Nobyembre 1 ay dinala ng kanyang misis ang biktima kay Liao para ipagamot ang nananakit na katawan.
Gayunman, nasobrahan ang pagpihit ng suspek sa ulo ng biktima dahilan para mawalan ito ng malay-tao at bumagsak sa sahig.
Isinugod ang biktima sa Josefina Belmonte Duran Memorial Albay Provincial Hospital sa Ligao City pero agad dinala sa Tondo Medical Center dahil sa kritikal na kondisyon. Makaraan ang ilang linggo ay tuluyang nasawi sa pagamutan ang biktima dahil umano sa “nuerogenic shock, spinal cord injury.”
- Latest