2,170 barangay sa Bicol region, drug-cleared na
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Umabot na sa 2,170 barangay sa buong Kabikulan ang idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Dangerous Drugs Board (DDB) na “drug-cleared barangays”.
Ayon kay Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 5, dahil sa walang humpay na ginagawang anti-criminality operations ng buong pulisya sa rehiyon ay umabot na sa 2,170 barangay o 78 porsyento mula sa dating 2,793 drug affected barangay sa Bicol ang tuluyan nang nalinis laban sa problema sa droga.
May pinakamataas na porsyento ng mga barangay na nalinis na ay ang lalawigan ng Sorsogon na umabot na sa 97 porsyento. Inaasahan na ang natitirang 3 porsyento ng mga barangay sa naturang lalawigan ay maidedeklara na ring drug clear sa susunod na mga araw.
Pumangalawa sa anti illegal drug performance ratings ay ang Catanduanes na nasa 93 porsyento ng mga barangay ay drug cleared na; pangatlo ang Albay na nasa 88 porsyento; Camarines Norte, 81 porsyento; habang ang Camarines Sur ang pinakamababa na nasa 58 porsyento lamang. Naitala rin ang 48 porsyento ng Naga City na isang chartered city ng rehiyon.
Sa ginawang launching kamakalawa ng PRO5 sa Camp Gen. Simeon Ola ng “BIDA-Program o Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan” sa pangunguna ni regional director Brig. Gen. Rudolph Dimas, ay pinuri ni Deputy Chief PNP for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia ang lalawigan ng Sorsogon at Catanduanes dahil sa dami ng mga barangay na nalinis na sa droga.
- Latest