Online seller na nagbanta sa ninang, dinakip
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng San Jose Del Monte,Bulacan police ang isang babaeng negosyante na wanted sa dalawang kasong kriminal sa Baguio City.
Kinilala ni Lt. Col. Ronaldo Lumactod Jr., hepe ng pulisya ng San Jose Del Monte,ang negosyanteng si Kimberly Ann Santos, 32, alyas Kim Santos na dinakip sa bisa ng dalawang warrant of arrest para sa anti-cyber crime offense at grave threat na inisyu ni Hon. Emmanuel Cacho Rasing, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Barangay 3, Baguio City, na may petsang Disyembre 12, 2002.
Hindi nanlaban ang negosyanteng online seller ng jewelry shop nang makorner siya sa bahay nito sa Barangay Commonwealth, Quezon City, noong Lunes ng gabi.
Sinabi ni Lumactod na ang pag-aresto kay Santos ay bahagi ng isinasagawang operasyon sa ilalim ng warrant arrest day na ipinatupad ng Philippine National Police sa buong bansa.
Nagsimula ang kaso sa reklamo ni Daisy Giliberte, isa ring negosyante na mas kilala sa tawag na “Ninang ng Bayan” laban sa akusado dahil sa pagbabanta nito sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya at sa paglabag sa anti-cyber crime law. Kasalukuyang nakakulong ang akusado sa police station custodial facility para sa tamang disposisyon bago ang issuing court.
Inirekomenda ng korte ang piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.
- Latest