4 helper dinukot, 6 suspek natimbog sa Bulacan
GAPAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Arestado ang anim sa pitong kalalakihan na suspek umano sa pangingidnap at pananakit sa apat na lalaking helper kabilang ang isang menor-de-edad sa lungsod na ito na sapilitang dinala sa ilang na bahagi ng Doña Remedios Trinidad (DRT) sa Bulacan noong Huwebes ng tanghali.
Kinilala ni P/Lt. Col. Wilmar Binag, hepe ng pulisya rito, ang apat na nakatakas na biktima na sina Marlon Palomo, 25, binata; Jimuel Aycocho, 18, binata; isang hindi pinangalanang binatilyo; pawang nakatira sa Purok 4, Barangay Bungo, Gapan City, at Chrisopher Bundoc, 27, binata, ng Barangay San Pablo, Tarlac.
Kinilala ni Binag ang anim na nahuling suspek na sina Ryan Cadorniga, 33-anyos, may-asawa; Dionisio Cadorniga, 65, may-asawa; Marlon Cadorniga, 39, binata; Robert Cadorniga, 30, binata; Rodolfo Cadorniga, 65, may-asawa; at Allan Cadorniga, 36, may-asawa; pawang residente ng Purok Pinyahan, Sitio Duplas, Brgy. Kalawakan, DRT, Bulacan.
Ang anim na pawang magsasaka at umano’y magkakamag-anak ay inaresto sa ikinasang pagsalakay ng pinagsanib na puwersa ng Gapan City Police at Doña Remedios Trinidad Police sa Purok Pinyahan, Sitio Duplas, Brgy. Kalawakan, DRT, Bulacan.
Nakatakas naman ang isa pang suspek na kinilalang si Geronimo Lacsina alyas “Amang”.
Sa imbestigasyon, alas-12 ng tanghali nitong Oktubre 13, gamit ang isang shotgun at isang cal. 38 na baril ay dinukot at sinaktan pa umano ng mga suspek ang mga biktima sa Sitio Sapang Kawayan, Brgy. Macabaklay, Gapan City bago sila dinala sa ilang na lugar sa Bulacan. Ikinulong umano ang mga biktima sa loob ng 8-oras bago sila nakatakas.
Agad na nagsumbong sa pulisya rito ang mga biktima bandang alas-11 ng gabi kaya ikinasa ang operasyon na humantong sa pagkahuli ng mga suspek.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong kidnapping with physical injuries at paglabag sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
- Latest