Batang magkapatid nilamon ng dagat
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang bata na magkapatid matapos tangayin ng malakas na alon at lamunin ng tubig sa karagatan ng Donsol, Sorsogon nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Sidney Mae, 14-anyos at Steven Catubig, 10-anyos.
Sa report ng Sorsogon Police, nangyari ang insidente sa karagatang sakop ng Brgy. PWWD, Donsol dakong ala-1 ng hapon kamakalawa.
Ayon sa imbestigasyon, ang dalawang menor-de-edad ay huling nakitang buhay habang naglalaro sa dalampasigan ng isang beach kasama ang kanilang mga pinsan.
Ilang saglit pa ay nagkatuwaan ang magkapatid na maglangoy sa dagat pero napagawi sa malalim na parte hanggang sa tangayin ng malalakas na alon at tuluyang malunod.
Nagsagawa naman ng search and rescue operation ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at naiahon ang katawan ng mga biktima.
Gayunman, idineklara nang kapwa dead-on-arrival ang magkapatid sa Donsol District Hospital.
- Latest