3 ex-bodyguard kinasuhan sa pagpatay sa among vice mayor
LAGUNA, Philippines — Sinampahan ng kasong kriminal ang tatlong dating bodyguard na itinuturong salarin sa pananambang sa kanilang pinaglilingkurang vice mayor noon ng Dolores na si Danilo Amat sa San Pablo City.
Sinabi ni Lt. Col. Joewei Lucas, hepe ng San Pablo City Police, na sinampahan na ng kasong murder sa Office of the City Prosecutor ng San Pablo noong Agosto 3 ang mga suspek na sina Rolando Dimaano Risona, 44, alyas “Onad”, ng San Mateo, Dolores, Quezon; Orlando Ragudo, 43, alyas “Daks”, ng Tayabas, Quezon; umano’y mga gunmen at William Panganiban, 51, ng Cabatang, Dolores, driver ng motorsiklo.
Sinabi ni Lucas na positibong kinilala ang mga suspek ng anim na testigo at ng pamilya at mga kamag-anak ni Amat sa tulong ng ilang video footage ng CCTV (closed circuit television camera) na naka-install malapit sa lugar bago at pagkatapos mangyari ang krimen.
“Mayroon kaming kabuuang anim na saksi na nagbigay ng kanilang sinumpaang salaysay dahil kinilala ng pamilya Amat na ang mga suspek ay dating bodyguard ng biktima,” sabi ni Lucas.
Sinisilip na motibo sa pagpatay ay ang pulitika at galit sa pamilya Amat.
“Mayroon kaming pangalan ng pinaghihinalaang utak sa likod ng pagpatay, gayunpaman, kasalukuyan kaming nangangalap ng mas mahahalagang ebidensya upang magkaroon ng isang airtight na kaso laban sa utak,” sabi ni Lucas.
Si Amat, isa ring negosyante ay inambush at pinagbabaril ng mga suspek sa kahabaan ng Seven Street sa Barangay San Francisco, San Pablo City ng nakalipas na buwan. Idineklara siyang dead-on-arrival sa San Pablo City General Hospital dahil sa mga tama ng punglo sa katawan. Tumakbo siyang alkalde ngunit natalo kay Orlan Calayag noong May 9 elections.
- Latest