Bomber ng teroristang grupo utas sa engkuwentro
MANILA, Philippines — Patay ang isang pinaghihinalaang bomb expert ng Daulah Islamiyah-Hasaan terrorist group habang isa pa ang nasakote matapos makasagupa ng tropa ng militar sa Brgy. Dicalungan, Ampatuan, Maguindanao nitong Biyernes ng madaling araw.
Sa report, kinilala ni Lt. Col. Abdurasad Sirajan, spokesman ng AFP-Western Mindanao Command ang napatay na si Khamhed Akan Kambal alyas “Mheds”, isang bomber ng DI-Hassan terrorist group na nag-o-operate sa Central Mindanao.
Ayon sa opisyal, nagsagawa ang tropa ng 40th Infantry Battalion ng Focused Military Operation (FMO) matapos na makatanggap ng report sa planong paghahasik ng terorismo ng grupo sa lugar.
Sinabi ni Sirajan na ang operasyon ay nagresulta sa bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at ng mga miyembro ng Daula Islamiyan Hassan terrorist group sa pamumuno ng isang alyas Alpha King.
Ang sagupaan ay tumagal ng ilang minuto bago nagsitakas ang mga kalaban na naghiwa-hiwalay ng direksyon sa kagubatan.
Narekober sa encounter site ang bangkay ni Kambal, isang cal 45 pistol, dalawang improvised explosive device, mga sangkap sa paggawa ng bomba, personal na mga kagamitan at propaganda materials.
Arestado naman ang isa pang kasamahan ng napatay na bomber na si Nasrudin Sali Blah, 22-anyos ng Brgy. Tuayan, Ampatuan, Maguindanao na nasukol ng mga sundalo sa lugar.
Pinapurihan ni Lt. Gen. Alfredo Rosario Jr., commander ng AFP-Western Mindanao Command ang kaniyang mga tauhan sa matagumpay na pagkakasilat sa terror plots ng Daulah Islamiyah.
- Latest