8 ‘mediamen’ tiklo sa kotong sa perya
LAGUNA, Philippines — Arestado ang walong nagpakilalang mga miyembro ng media matapos kotongan umano ang operator ng isang peryahan sa Calamba City, Laguna, Lunes ng madaling araw.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang damputin ang mga ito ng mga tauhan ng Calamba City police sa checkpoint sa Barangay Pacianio dakong ala-1:30 ng madaling araw.
Kinilala ni P/Col. Cecilio Ison Jr., director ng Laguna Police ang mga suspek na sina Anne Cortez, 32; Eric Florez Floro, 32; Benjamin Javier Jr, 60 anyos; Theresa Regaza, 27; Efren Regaza, 22, pawang taga-Rodriguez, Rizal.
Kasama rin sa inaresto sina Rose Marie Malazarte, 53, ng Montalban, Rizal; Rodamy Prado, 27, taga-Caloocan City at Christoper Angeles Yu, 47, na isa umanong lehitimong mamamahayag na taga-Maynila at sinasabing lider ng grupo.
Batay sa report, ang mga suspek ay inireklamo ng isang Jinggoy Cahanap, operator ng single stander amusement sa Calamba City.
Ayon kay Cahanap, nakatigil siya sa checkpoint nang dumating ang mga suspek sakay ng Toyota FX at pilit umano siyang hinihingan ng protection money na P8,000.00 kada linggo. Kung hindi umano siya makapagbibigay ng proteksyon money ay puwersahan daw ipapasara ng mga suspek ang perya nito.
Gayunman, P2,000 lamang ang naibigay ng biktima kaya hinarass umano siya ng mga suspek.
Habang isinasagawa ang negosasyon, nakatawag sa pulisya ang biktima na kaagad nagresponde at naaresto ang walo.
Narekober sa mga suspek ang iba’tibang mga identification cards kabilang ang press IDs at hinihinalang extortion money.
Lumalabas na ang mga nadakip ang siya ring mga nagbibigay umano ng maling impormasyon sa social media at police hotlines partikular sa E-sumbong at PNP Info Text na ginagamit diumano ang pangalan ng Calamba City Police Station at chief of police.
“We will investigate this matter. This is a rising concern which we must address to halt the modus operandi of these persons who are patrolling around funfair business establishments to extort money in exchange for ‘the continuity of the business operations,” pahayag ni Ison. - Ed Amoroso
- Latest