P500k pabuya sa makapagtuturo sa kumatay sa dalaga sa Bulacan
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Dalawang alkalde na ang nag-alok ng P5 milyon o P500,000 na pabuya para sa makapagtuturo at makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng suspek na kumatay sa isang dalaga na natagpuan sa isang madamong lugar sa boundary ng Brgy. Tabang at Brgy. Tikay ng lungsod na ito kamakalawa.
Unang nag-anunsiyo si Malolos City Mayor Atty. Christian Natividad sa kanyang Facebook account na magbibigay siya ng P300,000 reward sa makapagtuturo sa taong pumatay kay Princess Dianne Dayor, 24-anyos, ng Brgy. Tabang, Guiguinto, Bulacan.
Ayon kay Natividad, ayaw na niyang madagdagan pa ang pagkawala ng mga kababaihan sa lungsod at karatig bayan.
Kasunod nito, naglabas din ng pabuya si Guiguinto Mayor Atty. Agay Cruz ng halagang P200K para sa ulo ng suspek na pumatay kay Dayor.
Ayon kay Cruz, agarang hustisya ang kailangan ng pamilya ng biktima at sa pamamagitan ng pabuya ay posibleng mapabilis ang pagtukoy at pag-aresto sa salarin.
Bagama’t pahirapan ang paghahanap sa suspek, tiniyak naman ni P/Lt. Col. Ferdinand Germino na sisikapin ng law enforcement na makakakuha ng hustisya ang pamilya ni Dayor.
Magugunita na apat na araw na nawala ang biktima bago matagpuan ang katawan nito na tadtad ng saksak na halos naagnas na sa damuhan. Umalis siya sa kanilang bahay upang pumasok sa trabaho subalit hindi na nakarating doon at hindi rin nakasakay sa kanyang shuttle.
- Latest