Farm helper inutas ng kainuman
GENERAL TINIO, Nueva Ecija, Philippines — Naliligo sa sariling dugo nang matagpuan ang katawan ng isang 63-anyos na farm helper makaraang pagtatagain ng gulok ng kainuman na kasamahan nito sa trabaho sa isang farm sa Purok Martin Village, Barangay Nazareth ng bayang ito, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawi na si Tommy Madamba, 63, binata ng Barangay Maburac, Gapan City, at isang farm helper ng CDB Farm sa nasabing lugar, na nagtamo ng mga taga sa ulo, mukha at kaliwang bahagi ng katawan.
Naaresto sa isinagawang manhunt operation ng pulisya, ang suspek na si Ricky Mamac, 38, binata, tubong Quezon province.
Ayon sa pulisya, isang tawag sa cellphone ang tinanggap ng kanilang istasyon bandang ala-1:15 ng madaling-araw ng Huwebes mula sa isang Zaldy Rodero, farm supervisor, na may naganap umanong pagpatay sa kanilang farm.
Sa pag-iimbestiga ng pulisya, isang Rico Arizala, 42, isa ring farm helper sa lugar ang tumayong saksi na sinabing nag-iinuman silang tatlo nang bigla umanong magtalo ang biktima at suspek na humantong sa pananaga ng huli sa biktima.
Kasong murder ang isinampang kaso laban sa suspek.
- Latest