Antipolo church idineklarang ‘international shrine’
MANILA, Philippines — Idineklara ng Vatican bilang international shrine ang National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.
Sa website ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) nitong Linggo, mismong si Antipolo Bishop Francisco de Leon ang nag-anunsiyo ng magandang balita sa isang banal na misa para sa pagdiriwang ng ika-39 anibersaryo ng pagkakatatag ng Diocese ng Antipolo noong Sabado, Hunyo 25.
Ayon kay De Leon, inaprubahan ng Vatican ang kanilang petisyon na pagkalooban ang simbahan ng naturang pribilehiyo.
“We received a letter from Rome saying that on June 18, our national shrine will be recognized as an international shrine,” saad De Leon.
Hinihintay na lamang ng diyoseses ang opisyal na kopya ng deklarasyon ng Vatican.
Ang Antipolo Cathedral ay kauna-unahang international shrine sa Pilipinas at magiging ikaapat naman na international shrine sa Asya kasunod ng St. Thomas Church Malayattoor sa India at ang Haemi Martyrdom Holy Ground at Seoul Pilgrimage Routes sa South Korea.
- Latest