Public enemy No. 1 sa Batangas, natimbog
Suspek sa pagpatay sa police intel officer
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang police intelligence officer at tinaguriang “public enemy number 1” sa Batangas sa ikinasang manhunt operation sa Occidental Mindoro kamakalawa.
Sinabi ni Occidental Mindoro police director, Col. Simeon Gane Jr., ang wanted na si Jaypee Caraos, 37, ay nadakip ng pinagsanib na elemento ng Taal at Magsaysay Police sa kanyang hideout sa Magsaysay, Occidental Mindoro noong Huwebes ng hapon.
Dagdag ni Gane, si Caraos ay dinakip ng raiding team sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 86 sa Taal, Batangas na may petsang Disyembre 20, 2019 dahil sa kasong “murder” na walang inirekomendang piyansa.
Ayon naman kay Col. Glicerio Cansilao, Batangas police director, si Caraos ay nakatala bilang number 1 “most wanted person” sa Batangas dahil isa siya sa mga suspek sa pagbaril at pagpatay sa intel officer na si Chief Master Sgt. Robert Arriola, nakatalaga sa Aligtagtag Police Station sa Batangas noong Setyembre 2019.
Ang katawan ni Arriola at motorsiklo nito ay narekober sa Brgy. Bihis, Taal habang ang kanyang service firearm o baril ay nasamsam sa mga suspek na sina Dexter Mendoza at Rodolfo Caraos matapos maaresto sa follow-up operation ng pulisya.
Nabatid na nag-iinuman umano ang mga suspek nang mapadaan si Arriola sa lugar sakay ng motorsiklo. Pinaulanan umano ng bala ng mga suspek ang nasabing pulis matapos magduda na tinitiktikan sila nito.
Sinabi ni Casilao na matapos ang insidente, nagtago na si Caraos ng tatlong taon hindi lamang sa Mindoro kundi maging sa ilang bayan sa Batangas hanggang sa matunton ito ng tracker team nang makatanggap sila ng intelligence report na naispatan ang nasabing akusado sa bayan ng Magsaysay.
- Latest