Pulis todas, 1 sugatan sa shootout
MANILA, Philippines — Isang pulis ang patay habang sugatan ang kasama nito matapos mauwi sa shootout ang kanilang operasyon laban sa mga pinaniniwalaan riding-in-tandem suspect sa Zamboanga Del sur,kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Staff Sgt. Khalid Jade Dacula, miyembro ng Zamboanga del Sur Provincial Intelligence Unit (ZSPIU) habang sugatan ang kasama nitong si Staff Sgt. Ronald Banagbanag.
Nadakip naman ang mga suspek na kinilalang sina Rogelio Mehoy Cabasan, 52, barangay watchman; Tito Sereno Mabanto, 36; Dionisio Sereno Mabanto, 57; at Leonie Sereno Mabanto, 48.
Ayon kay Zamboanga del Sur police director Col. Diomarie Albarico, naganap ang bakbakan Miyerkules ng hapon sa pagitan ng Barangays New Oroquieta at New Carmen sa bayan ng Sominot.
Sinabi ni Albarico nakatanggap sila ng report hinggil sa presensya ng dalawang motorcycle riding gunmen sa nasabing lugar.
Pagdating sa lugar namataan ang mga suspek subalit sa halip na sumuko ang mga ito inunahan pinaputukan ang mga operatiba.
Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok at tinamaan ang dalawang pulis na ikinasawi ni Dacula habang tumakas ang mga suspek.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang ZSPIU kasama ang Sominot municipal police station, 1st Provincial Mobile Force Company, at Regional Mobile Force Battalion’s 902nd Company.
Bandang 5:24 PM nahuli si Cabasan at nasugatan ito matapos manlaban sa mga pulis at sunod naman naaresto ang tatlong Mabanto sa Barangay New Oroquieta.
Nakuha mula kay Cabasan ang .357 Magnum revolver at .45 caliber pistol habang kina Mabanto ay M-16 rifle, na may magazine, .45-caliber pistol, at ang 9mm pistol na pag-aari ni Dacula na nawala matapos ang sagupaan.
- Latest