Sekyu sa minahan, tiklo sa pagpupuslit ng ginto
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Kalaboso ang isang guwardya matapos makumpiska sa kanya ang ipinuslit umano nitong ginto sa isang malaking minahan sa bayan ng Kasibu sa lalawigang ito, kamakalawa.
Kinilala ni P/Maj. Nova Aggasid, information officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang nadakip na si Jefferson Galuzo, 27, security guard ng Ocean Gold Phil. Inc. (OGPI) na nakabase sa Barangay Didipio sa bayan ng Kasibu at residente ng Barangay Poblacion, Mangkayan, Benguet.
Ayon sa ulat ng pulisya, nabuking umano ang pagpupuslit ng suspek matapos ang isinagawang inspeksyon ni Michael Dionisio, 45, APD officer ng minahan at residente ng Centro West, Santiago City, Isabela.
Nakuha umano ang nasabing mineral ore ng ginto sa loob ng jacket ni Galuzo malapit sa isolation room dakong alas-4:22 ng hapon.
Hinihinalang ipinuslit ng suspek ang nasabing mineral ore na nasa P130,000 ang halaga sa loob ng processing plant ng minahan sa pag-aakala na hindi ito mabubuking.
- Latest