2 pulis timbog sa tupada
MATI CITY, Davao Oriental, Philippines — Arestado ang dalawag pulis at isang sibilyan nang salakayin ng mga otoridad ang tupada sa Barangay Dahican sa Mati City, Davao Oriental noong Linggo ng umaga.
Kinilala ang mga pulis na sina P/Corporal Linwell Salvaña at P/Staff Sergeant John Declem Soriano, kapwa nakatalaga sa Provincial Intelligence Unit sa Davao Oriental Police Provincial Office at sibilyan na si Noel Escasinas na umano’y kapatid ng isang barangay chairman.
Lumilitaw na dakong alas-9:00 ng umaga noong Linggo nang salakayin ng mga otoridad matapos na makatanggap ng reklamo na may iligal na sabong o tupada ang nagaganap sa lugar.
Pagdating sa lugar, inabutan ng mga pulis ang mga sumisigaw na sabungero habang naglalaban ang mga manok.
Mabilis na nagpulasan ang mga sabungero nang makita ang raiding team hanggang sa makalawit ang dalawang pulis at sibilyan.
Narekober sa lugar ang tatlong panabong na manok, mga tari, at perang nagkakahalaga ng P170.
Ayon sa mga otoridad, mahigpit na ipinagbabawal ang sabong o tupada dahil na rin sa banta ng COVID-19.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Presidential Decree 449 o ang Cockfighting Law of 1974 laban sa dalawang pulis at kay Escasinas.
- Latest