9-buwang sanggol dinedbol ng tiyahin na depress
KORONADAL CITY, South Cotabato , Philippines — Kalunus- lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 9-buwang sanggol na babae sa kamay ng tiyahin na sinasabing may deperensiya sa pag-iisip matapos na pagsasaksakin hanggang sa mapatay sa Purok Tagumpay,Brgy. General Paulino Santos ng lungsod na ito.
Ayon kay Brgy. Kagawad Danilo Delos Santos ng Barangay GPS, Koronadal City, ang biktima ay sariling pamangkin ng suspek kung saan ito rin ang nagbabantay dahil nasa ibang bansa ang ina ng sanggol.
Ayon kay Delos Santos, naiparating sa kanya ang insidente,alas-2:00 ng hapon nitong Miyerkules kung saan sinaksak ng makailang beses ng suspek ang sariling pamangkin sa hindi pa malamang dahilan.
Pinaniniwalaang wala sa tamang katinuan ang suspek nang ginawa ang krimen.
Isa umanong kitchen knife ang ginamit ng suspek sa biktima na nagtamo ng maraming sugat sa iba’t bang bahagi ng katawan nito na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Dagdag pa ng opisyal, posibleng nawala sa sariling pag-iisip ang suspek dahil sa depression dahil sa mga pinagdadaanan nito sa buhay.
Pahayag pa ng opisyal, mabait naman umano ang suspek at mahal na mahal nito ang kanyang pamangkin mula pa nang bumalik sa ibang bansa ang kapatid nitong ina ng kanyang inaalagaan.
Sa ngayon, hindi pa rin malaman ng pamilya ng biktima kung paano ipapaabot ang masamang balita sa ina nito na nasa ibang bansa.
Isasailalim naman sa psychological intervention ang suspek para gumaling at bumalik ang tamang pag-iisip.
- Latest